Para sa isang mangingisda biyayang maituturing ang makahuli sa bibihirang pagkakataon ng ganitong uri ng isda. Tunay nga na mayaman ang ating bansa sa yamang dagat kaya naman marami sa ating kababayan ay pangingisda ang pangunahing hanap-buhay. Maging ang ibang bansa nais sakupin ang ating teritoryong dagat dahil sila mismo ay makikinabang sa mga yaman na taglay ng ating karagatan.
Isang mangingisda mula sa Brooke’s Point, Palawan ang abot langit ang pasasalamat sa kanyang nakawil na lapu-lapu sa Pirates Island sa bayan ng Bataraza. Ang tinutukoy na mangingisda ay si Peter Beldeniza na hindi lamang ordinaryong lapu-lapu ang kanyang nahuli kung hindi masasabi itong higante dahil sa laki at bigat nito.
Kwento ni Peter “Mag-isa lang ako na naglaot, alas dos ng May 2. Pagdating ng gabi, nakahuli ako ng dugso.”
“Ang tagal, walang kumakagat sa pain ng kawil ko. Siguro walang isda kasi nabulabog niya [lapu-lapu].”
Bandang alas-diyes ng gabi ay naramdaman niyang may kumakain sa kanyang kawil. “Tulingan ang pain ko, mga kalahating kilo. Pag-arya ko ng kawil, itinali ko sa palatik, tapos umikot na ang nylon.”
Ang higanteng isda na pala ang kumagat sa kanyang kawil kaya naman agad niya itong tinalian sa panga at hinila na lamang papuntang pangpang. Marahil sa bigat ay hindi na kaya ni Peter maihahon sa bangka. Kaya naman ng makarating ito sa pangpang ang ilan sa mga kasamahang mangisngisda ang tumulong kay Peter.
Ang Lapu lapu na kanyang nahuli ay tumitimbang ng 123 kilos at naibenta ito ng labing-siyam na libo. Hindi lamang ito ang unang pagkakataon na nakahuli si Peter ng malaking isda, noong mga nakalipas na taon nakadali din siya ng isda na tumitimbang ng 40 kilos at naibenta naman niya ito ng apat na libong piso.
“Pag may ganitong biyaya po, malaki ang pasasalamat namin sa Panginoon. Doble ang blessing namin kasi katatapos lang ng anak naming mag-training sa Philippine Coast Guard, kaya medyo nagkautang din kami.
“Kaya ngayon na may panibagong blessing, magbabawas na kami ng mga utang namin.” – sambit pa ni Peter