Kadalasan ngayon mahal ang magpagawa ng bahay hindi mo pa alam kung matibay ang pagkakagawa nito at kung ang mga materyales na ginamit dito ay akma sa itinatayong klase ng bahay. Higit sa lahat nakasalalay sa contractor ng bahay at ibang mga taong gumagawa nito ang tibay at pundasyon nito.
Sa panahon ngayon kailangan natin ng mga bahay na matitibay na hindi kayang gibain ng bagyo, o hindi basta na lamang nasusunog at higit sa lahat yung tatagal sa lindol. Alam naman natin na ang sakunang pangkalikasan ay hindi mapipigilan o hindi natin kailanman malalaman kung kailan ito mangyayari. Ganun pa man mas mainam na ito ay mapaghandaan upang kung dumating man ito kahit papaano ay nakahanda ang ating tirahan.
Kaya naman ang bahay na ito sa lalawigan ng Laguna ay naging viral kamakailan ng ito ay maitampok sa iba’t ibang program. Napabilib ang mga netizen dahil sa bilis ng pagkakagawa ng nasabing bahay na tinawag na La Casita de Rabajante. Anim na araw lamang ang tinagal ng pagkakagawa ng bahay at pede na agad itong matirhan.
Kung ikinagulat ninyo kung bakit ganun kabilis, dahil ang bahay na ito ay gawa sa container van na nauuso ngayon o mas kilala sa tawag na prefab house kung saan halos yari ang materyales nito sa bakal. Ang La Casita de Rabajante na itinayo sa 250-square-meter lot na pagmamay-ari ng dating professor na si Jomar Rabajante, 37 anyos.
Ayon kay Jomar prefabricated na bahay na ito typhoon-proof, fire-proof, at earthquake-proof. Prefab house ang tawag sa advanced na pagpapatayo ng bahay at ia-assemble na lang ito sa lokasyon ng pagtatayuan. Kung sa presyuhan naman ito ang tugon ni Jomar; “Itong main house na ito nabuo in six days, and the price apat kasi itong container vans ang dating… “So, lalabas na PHP180,000-PHP200,000 per van, so total ay PHP800,000.”
Naisipan ito nilang itayo dahil sa kagustuhan nilang may kapuntahan ang retirement benefits ng kanilang ama. Dahil na rin sa pandemya simula noong 2020 hindi masyadong makalabas kung saan-saan kaya naisipan ni Jomar maghanap ng paraan kung saan makakakita ng mabilisang pagtatayo ng bahay. Ngayon ang La Casita de Rabajante ay nagsisilbing bahay bakasyunan nilang mag-anak.